Paano ko susuportahan ang isang taong nakakaranas ng seksuwal na panghahalay?
Karaniwan ang seksuwal na panghahalay – humigit-kumulang isa sa limang babae ay makakaranas ng seksuwal na panghahalay. May mga praktikal na bagay na magagawa mo upang makatulong.
Kapag ang isang tao ay nakakaranas ng seksuwal na karahasan, ang taong pinili nilang kausapin tungkol dito ay may mahalagang papel. Ang isang magaling sumuportang miyembro ng pamilya, kaibigan, o kasamahan sa trabaho ay maaaring isang mahalagang pagmumulan ng suporta at tulong. Maaaring mahirap na malaman kung paano tutugon at maaaring mag-aalala ka tungkol sa paggawa ng maling bagay. May ilang mga simpleng bagay na maaari mong gawin at ang sumusunod na impormasyon ay makakatulong sa iyong tumugon. Mayroon ring makukuhang propesyonal na tulong.
Upang malaman ang dagdag pa tungkol sa seksuwal na panghahalay, maaari mong basahin ang, Ano ang seksuwal na panghahalay (sexual assault)?
Pagkuha ng tulong
Ang mga serbisyo para sa seksuwal na panghahalay ay isang pansimulang punto para sa pagkuha ng tulong. Nagbibigay ang mga ito ng payo at impormasyon para sa mga taong kamakailan lang ay seksuwal na hinalay, at para sa mga taong nagbibigay ng suporta. Ang mga detalye ng mga serbisyo para sa seksuwal na panghahalay ay maaaring makita dito [sa Ingles]. Ang karamihan sa mga serbisyo ay may makukuhang mga tagasalinwika at suporta pagkalipas ng mga oras ng tanggapan.
Ang 24 na oras na serbisyo sa telepono ng 1800RESPECT ay maaari ring isang magandang pansimulang punto. Ang 1800RESPECT ay nagbibigay ng pagpapayo sa pamamagitan ng telepono, payo at impormasyon para sa mga taong nakaranas ng seksuwal na karahasan at para sa pamilya, mga kaibigan o mga taong nagtatrabaho para dito na sumusuporta sa kanila, tumawag sa 1800 737 732.
Ano ang dapat gawin
Ang pakikipag-usap tungkol sa seksuwal na panghahalay ay maaaring mahirap para sa mga biktima/nakaligtas. Alam namin na maraming biktima/nakaligtas ay takot na hindi sila paniniwalaan, na sisisihin sila o ipawalang-saysay o maliitin ang kanilang karanasan.
Ang anim na hakbang na balangkas sa ibaba ay tutulong sa pagtugon sa mga kinatatakutang ito at sa pagsuporta sa isang taong nakaranas ng seksuwal na panghahalay.
Maniwala
Kung sasabihin ng isang tao sa iyo na sila ay seksuwal na hinalay, ang iyong tungkulin ay maniwala, sumuporta at tulungan silang magsaliksik ng mga opsiyon para sa kung ano ang susunod na gagawin. Natural lang na naisin mong magtanong ng maraming katanungan, pero ang pagtatanong ay maaaring labis na mapanghimasok. Bago magtanong, makinig muna.
Makinig
Ang ilang tao ay gusto kaagad na pag-usapan ang tungkol sa kanilang karanasan, ang ibang tao naman ay hindi. Ang pag-alok na makikinig nang hindi nakikisabad, at ang pagiging naroroon at hindi humuhusga kapag handa na ang biktima/nakaligtas na makipag-usap, ay isang mahalagang sangkap ng pagsuporta.
Tumulong sa pagsaliksik ng mga opsiyon
Sa pamamagitan ng pagsiguro na batid ng biktima/nakaligtas ang kanyang mga karapatan at opsiyon, kinikilala mo ang kanyang karapatan upang magkaroon ng kontrol hangga't maaari hinggil sa kung ano ang susunod na mangyayari. Makakatulong ka sa pamamagitan ng pag-alam tungkol sa mga serbisyo at kung paano ito gagamitin. Ang mga epekto ng seksuwal na panghahalay ay maaaring magpapahirap sa biktima/nakaligtas na pag-isipan ang mga bagay-bagay na ito kaagad. Ang pagtulong upang makahanap at makagamit sa mga serbisyo ay isang magandang lugar na pagsisimulan kapag gusto ng biktimang nakaligtas na ituloy ang opsiyon na ito.
Huwag kailanman manisi
Ang mga biktima/nakaligtas ay hindi kailanman dapat sisihin sa seksuwal na panghahalay. Hindi kailanman ok ang seksuwal na panghahalay. Ang suot ng tao, kanyang kultura, edad, paggamit ng droga o alkohol, o relasyon sa taong gumawa ng panghahalay ay hindi kailanman responsable para maging sanhi upang siya ay seksuwal na halayin ng ibang tao.
Magtanong bago mo siya hawakan
Pagkatapos ng isang seksuwal na panghahalay, hindi gusto ng ilang tao na hawakan sila. Mahalagang magtanong muna. Halimbawa: “Ok lang ba sa iyo na yayakapin kita?” Sa ganitong paraan malabong makapagpasimula ka ng mga masasamang alaala o isang muling pagdanas ng trauma na kaugnay sa panghahalay.
Tanggapin ang sarili mong nararamdaman at humingi ng tulong para sa iyong sarili
Normal lang na makaramdam ng pagkabalisa, kahit galit, kapag ang mahal mo sa buhay ay dadanas ng isang bagay na marahas at traumatiko. Tanggapin ang sarili mong nararamdaman at humingi ng tulong para sa iyong sarili kung kailangan mo ito. Maaari mong tawagan ang 1800RESPECT, o makipag-usap sa mga serbisyo para sa seksuwal na panghahalay o sa iyong propesyonal sa kalusugan.
Ang mga epekto ng seksuwal na panghahalay
Ang pag-unawa sa mga epekto ay makakatulong sa ating suportahan ang isang taong nakakaranas ng seksuwal na panghahalay. Ang mga epekto ng seksuwal na panghahalay ay maaaring malawak ang saklaw at kinabibilangan ng mga pisikal, emosyonal at sikolohikal na epekto. Alam natin na ang karamihan sa mga seksuwal na panghahalay ay isinasagawa ng isang taong kilala at pinagkakatiwalaan at kaya ang mga epekto ay kadalasang nabubunyag sa kilalang-kilala at pamilyar na lawak ng pamilya o grupo ng mga kaibigan. Ang pagtugon nang mabuti sa mga agarang pangangailangan ng mga taong nakakaranas ng seksuwal na panghahalay ay maaaring makatulong sa pagbabawas ng pinsala. Ang pagpapatuloy sa pagsuporta sa mga tao habang gumagaling sila ay napakamahalaga rin.
Mga isyu sa kalusugan
Ang pagsuporta sa isang tao na nakakaranas ng seksuwal na karahasan kamakailan lang ay maaari ring mangahulugan nang pakikipag-usap sa kanila tungkol sa anumang mga pisikal na pinsala at/o seksuwal o iba pang mga isyu sa kalusugan. Kabilang sa mga bagay na maaaring alalahanin ng isang biktima/nakaligtas ay:
-
Pagbubuntis
-
Mga impeksiyon na naipapasa sa pagtatalik (sexually transmitted disease o STI)
-
Pagkalantad sa HIV
-
Mga pangkalahatang alalahanin sa kalusugan
Dapat na isaalang-alang ng isang nanunungkulan sa pangangalaga ng kalusugan na tinatanggal ng karanasan ng seksuwal na panghahalay ang pakiramdam ng pagkakaroon ng kontrol ng biktima/nakaligtas sa sarili nilang katawan sa isang malalim na paraan. Ang anumang interbensiyon sa kanila ay kailangang mag-maximize sa kanilang pakiramdam ng pagkakaroon ng kontrol sa sarili nilang katawan at sa paggawa nila ng sarili nilang desisyon.
Pag-uulat sa pulis
Kapag nanaisin ng biktima/nakaligtas na mag-ulat sa panghahalay sa pulis, may ilang mahahalagang isyu na kailangang pag-isipan. Kapaki-pakinabang kung batid ng taong nagtatrabaho kasama ng biktima/nakaligtas kung paano gumagana ang sistema at kaya niyang pag-usapan ang mga pangunahing punto sa isang magalang at nagdudumamay na paraan. Magbibigay ito sa biktima/nakaligtas ng dagdag na kontrol at pagpipilian.
Maaaring piliin ng biktima/nakaligtas na hindi mag-uulat sa pulis, o hindi magkakaroon ng medikal o forensic na medikal na iksaminasyon. Ito ay isang personal na pagpili at kailangang respetuhin.
Sa Australia, ang pulis ay pinapatakbo nang independiyente sa mga pang-relihiyon at politikal na pangkat. Sila ay ginagabayan ng mga batas kriminal na nakasulat at mababasa ng publiko sa pamamagitan ng pag-login sa homepage ng parlyamentaryo ng bawat estado. Ang tungkulin ng pulis ay ang pagkokolekta ng ebidensiya at pag-iimbestiga sa mga bagay-bagay na kaugnay sa anumang naiulat na seksuwal na panghahalay.
Mga bagay na dapat isaalang-alang kapag gumagawa ng isang ulat
Ang iyong lokal na serbisyo para sa seksuwal na panghahalay ay makakatulong sa iyong maunawaan ang proseso sa pag-uulat at legal na proseso sa iyong estado o teritoryo. Maaaring nakakalito ang legal na wika at mga pamamaraan, pero maaari mong palaging hilingin na ipaliwanag sa simpleng wika ang anumang bagay na hindi malinaw. Huwag mag-atubiling magtanong kung mayroong bagay na hindi mo nauunawaan.
Kapag sangkot ang mga bata at kabataan
Kapag nakakaranas ang mga bata at kabataan ng seksuwal na panghahalay, ang taong una nilang sinabihan tungkol dito ay maaaring gaganap ng napakamahalagang papel sa pagtulong na makahingi ng proteksiyon at suporta, at sa pagbibigay ng 'emosyonal na pang-unang lunas'.
Maging malinaw sa iyong papel. Nangangailangan ang mga bata at kabataan na paniniwalaan, bigyang-ginhawa at tulungang makaramdam na hindi kailanman sila responsable sa nangyari. Sa kanyang pagbubunyag, umaasa ang isang bata o kabataan sa iyong kumilos para sa kanyang kapakanan upang ihinto ang pang-aabuso.
Anumang seksuwal na kilos kasama ng isang bata ay isang krimen at maaaring iulat sa pulis. Tumawag sa 000.
Kung sinusuportahan mo ang isang tao o kabataan na nakakaranas ng seksuwal na panghahalay, mayroong mga serbisyo na makakatulong.
Dagdag pa sa mga serbisyo na nakalista sa itaas sa pangkalahatang seksiyon, kapag sangkot ang mga bata at kabataan, may ilang mga mahahalagang bagay na dapat tandaan. Ang iyong lokal na serbisyo para sa seksuwal na panghahalay o mga serbisyo sa pagprotekta ng bata ay mga pagmumulan ng impormasyon at suporta sa pag-unawa sa mga opsiyon at pagpaplano ng pagtugon.
Sinumang mayroong inaalala tungkol sa isang bata ay dapat makipag-usap sa kanilang lokal na serbisyo sa pagprotekta nga bata. Ang lahat ng mga estado ay mayroon na ngayong mga batas sa mandatoryong pag-uulat. Ang mga batas na ito ay nangangahulugang ang ilang mga partikular na tao ay inaatasan ng batas na mag-ulat tungkol sa anumang mga inaalala sa naaangkop na awtoridad. Kung hindi ka sigurado kung mag-uulat ka o hindi, huminto at kumunsulta. Maaari kang makipag-usap sa anumang oras sa mga eksperto sa larangan, katulad ng iyong lokal na serbisyo para sa seksuwal na panghahalay o ahensiya ng estado sa pagprotekta ng bata, para sa tulong. Ang 1800RESPECT ay makakapagbigay ng payo sa iyong wika sa mandatoryong pag-uulat, tumawag sa 1800 737 732.
Kapag sumusuporta sa mga bata at kabataang nakakaranas ng seksuwal na panghahalay, ang iyong papel bilang taong nasa wastong gulang ay tulungan silang maging ligtas at magsagawa ng aksiyon upang matapos ang pang-aabuso.
Tungkol sa Pagpaplano sa Kaligtasan
Ang pagpaplano sa kaligtasan ay isang paraan upang pag-isipan ang tungkol sa at magbuo ng isang plano ng aksiyon para sa panahon kung kailan hindi ligtas ang mga bagay-bagay.
Tungkol sa Pagpaplano sa Kaligtasan
Developed with: Victorian Centres Against Sexual Assault