Checklist sa Pagpaplano sa Kaligtasan
Ang checklist na ito ay isang gabay sa mga bagay na magagawa mo upang makatulong sa kaligtasan.
Kung natatakot ka para sa iyong sarili, sa isang miyembro ng pamilya o kliyente, tumawag sa 000 para sa tulong ng pulis.
Upang magsagawa ng tawag pang-emerhensiya gamit ang TTY o ang National Relay Service, tingnan ang Calls to emergency services
Kaligtasan sa tahanan
Isang Komunidad ng Pangangalaga
-
Ang pagtugon ay tungkulin ng lahat ng tao. Ipaalam sa mga kapitbahay na iyong pinagkakatiwalaan na tatawag sila sa pulis sa 000 kung makakarinig sila ng pag-aaway, pagsisigawan o mga ingay. Ang ilang mga tao na nakatira sa mga flat o apartment ay may mga palahudyatang pagtapak o pagkatok upang ialerto ang kanilang mga kapitbahay na kumuha ng tulong.
-
Magkaroon ng lugar na mapupuntahan kung kailangan mong lumayas. Sa iyong pitaka o sa listahan ng mga kontak ng cellphone, maglagay ng mga numero ng telepono ng pamilya o mga kaibigan.
-
Magkaroon ng sarili mong cellphone at plano (mas mabuti kung prepaid) upang makapagpanatiling makipag-ugnayan sa mga tao at ang mga tawag ay hindi masuri mula sa bayarin ng telepono o mga tala ng pagtawag.
-
Maghanda ng isang plano sa pagtakas para sa oras na pakiramdam mong maaaring mawalan ng kontrol ang mga bagay-bagay.
Paggawa ng plano sa pagtakas
-
Magplano at magsanay sa mga ruta na magagamit upang agad na makalabas sa panahon ng emerhensiya mula sa lahat ng mga silid ng iyong bahay/flat.
-
Magkaroon ng isang maliit na bag sa pagtakas sa isang lugar na mayroong mga reserbang susi, mahahalagang papeles, isang espesyal na laruan para sa mga bata at reserbang salapi sa sitwasong kailangan mong umalis nang madalian. Kung kailangan mo ng mga de-resetang gamot, maglagay ng reserbang reseta sa iyong bag sa pagtakas.
-
Mag-iwan ng mga reserbang kopya ng susi, mahahalagang papeles, mga photocopy ng mga kard ng bangko at mga credit card, atbp, sa miyembro ng pamilya, kaibigan o isang taong pinagkakatiwalaan mo.
-
Kung may mga problema ka sa paggalaw o mga kapansanan, paunang mag-areglo ng isang kaibigan na agarang pupunta sa iyo kapag tumawag o nag-text ka sa kanya. Ang ilang mga tao ay gumagamit ng palahudyatang salita (code word), na pauna nang napagkasunduan. Sa ganitong paraan, maaari kang makatawag kahit na nakikinig pa ang gumagawa ng pang-aabuso.
-
Kung ligtas ito, magtabi ng talaarawan ng mga pang-aabuso o nakakatakot na mga insidente. Makakatulong ang mga ito kung kailangan mo ng protection order.
Pagkolekta ng mga magagamit na numero
Isaalang-alang ang pagtipon ng ilang mga magagamit na adres at numero kagaya ng:
- lokal na serbisyo ng taxi (magagamit na mga serbisyo ng taxi, kung kailangan mo nito)
- ang linya ng telepono sa panahon ng kagipitan (crisis phone line) sa iyong estado o teritoryo.
- ang pinakamalapit na sentrong makokontak sa panahon ng kagipitan (crisis contact center).
- ang adres ng lokal na istasyon ng pulis.
- Tandaan na matatawagan mo sa anumang oras ang 1800RESPECT sa 1800 737 732.
Kaligtasan pagkatapos na paghihiwalay
-
Kapag humiwalay ka na sa iyong kapareha, magkabit ng mga ilaw sa labas ng bahay, dagdag na mga kandado sa bintana o pinto, o mga gate kung makakaya mo. Kadalasang magsasagawa ang pulis ng isang pagsusuri sa ‘pag-upgrade ng seguridad’ para sa iyo at magbibigay sa iyo ng mga ideya tungkol sa pagdagdag na kaligtasan para sa iyong partikular na bahay o flat. Ang ilang mga serbisyo sa karahasan sa tahanan at pamilya o mga serbisyo ng pulis ay may mga pondo na makakatulong sa mga gastusin.
-
Palitan ang numero ng iyong cellphone at itakda ito bilang ‘pribado’. Gumamit ng ibang SIM card kung kailangan mong makipag-usap tungkol sa mga bata.
-
Hilingin sa mga ahensiya ng pamahalaan, mga kompanya ng palingkurang-bayan (utility company), mga tanggapan ng abugado, mga doktor, paaralan, atpb. na panatilihing pribado ang mga detalyeng hinggil sa iyo.
-
Kumuha ng isang PO Box para sa mahalagang sulat o panatilihing pribado ang adres ng iyong tirahan.
-
Makipag-usap sa isang serbisyo sa karahasan sa tahanan at pamilya, sa isang abugado ng komunidad o sa pulis tungkol sa pagkuha ng isang protection order kung wala ka pa nito. Maaari nitong paunang maalerto ang pulis sa ilan sa mga panganib. Maaari rin itong maisulat upang pagbawalan ang nang-aabuso na pumunta sa lugar na iyong pinagtatrabahuan.
Kaligtasan sa publiko at sa trabaho
-
Iparada ang iyong kotse sa isang pampublikong lugar na may maraming tao. Iwasan ang mga underground na paradahan ng kotse, o kung kailangan mong gamitin ang mga ito, makiusap sa isang tao na samahan kang maglakad patungo sa iyong kotse.
-
Kapag nakita mo ang iyong kapareha o dating kapareha, pumunta sa lalong madaling panahon sa isang pampublikong lugar o isang lugar na may maraming tao.
-
Kung humiwalay ka na sa iyong kapareha, hilingin sa iyong amo na i-screen ang iyong mga tawag o mga bisita ng resepsiyonista. Kung nagtatrabaho ka sa isang pampublikong lugar, katulad ng isang shopping center,makipag-usap sa kawani ng seguridad at ipakita sa kanila ang litrato ng iyong dating kapareha.
-
Kung humiwalay ka na sa iyong kapareha, subukang regular na ibahin ang iyong mga nakagawiang gawain. Kapag posible, sumakay sa ibang tren o tram, umalis ng bahay o trabaho sa ibang oras, o mamili sa ibang lugar o online.
-
Sabihin sa iyong amo o kawani ng seguridad ang anumang mga protection order na hahadlang sa nang-aabuso na lapitan ka sa iyong trabaho. Ilagay ang kopya ng order sa trabaho o sa iyong bag.
Kaligtasan sa Internet
-
Gumamit ng pampublikong kompyuter (aklatan, sentro ng komunidad) o kompyuter ng kaibigan na hindi magagamit ng nang-aabuso sa iyo.
-
Palitan o i-delete ang iyong Facebook account o ang mga account ng iyong mga anak, o repasuhin ang mga privacy setting upang limitahan ang akses. Maaaring maibigay ng mga tao nang hindi sinasadya ang mga detalye ng kung saan ka nakatira o kung saan ka pupunta.
-
Palitan ang iyong email account. Gawing mahirap na ma-trace ito – huwag gamitin ang iyong pangalan at taon ng kapanganakan sa pangalan ng iyong account.
-
Ipasuri sa isang technician ng kompyuter ang iyong kompyuter para sa spyware o mga keystroke logging program.
Pagtulong sa mga bata
-
Tulungan ang iyong mga anak na malaman kapag may mga babalang palatandaan ng panganib.
-
Panatilihing praktikal ang inyong pag-uusap katulad ng mga pag-uusap tungkol sa kaligtasan na maaaring magkaroon kayo tungkol sa pagpaplano para sa sakuna ng kalikasan, kaligtasan sa sunog, atbp.
-
Magsanay ng mga ruta sa pagtakas sa panahon ng emerhensiya – makipag-usap tungkol dito sa parehong panahon ng pag-uusap mo habang nasa isang pagsasanay para sa sunog o bagyo.
-
Turuan ang iyong mga anak na hindi nila responsibilidad na patigilin ang nang-aabuso kapag siya ay galit o marahas.
-
Turuan ang iyong mga anak kung sino ang matatawagan nila o kung saan sila makakapunta sa isang emerhensiya. Kabilang dito ang kung paano tatawagan ang 000 at humiling ng pulis, at kung paano nila ibibigay ang kanilang adres.
-
Sabihin sa mga paaralan o mga sentro sa pangangalaga ng bata ang tungkol sa karahasan, pati na rin sa mga magulang sa paaralan na iyong mapagkakatiwalaan. Maaari nilang bantayan ang mga palatandaan sa paglala ng karahasan at makakatulong rin sila sa pag-aalaga para sa mga pangangailangang emosyonal ng iyong anak. Ang isang komunidad ng pangangalaga ay tutulong upang mapanatiling ligtas ang mga bata. Bigyan ang paaralan o sentro sa pangangalaga ng bata ng kopya ng iyong protection order, at litrato ng gumagawa ng pang-aabuso upang malaman nila kung sino ang babantayan.
Sa sitwasyon ng agarang panganib, tumawag sa 000 para sa tulong ng pulis.
Upang magsagawa ng tawag pang-emerhensiya gamit ang TTY o ang National Relay Service, tingnan ang Calls to emergency services
Pagpapayo sa Telepono
Paggamit sa Pagpapayo sa Telepono nang may tagasalinwika ng TIS
Developed with: Safe and Equal